Sunday, November 14, 2004

Ang Dati at Ngayon

Ang buhay nga ngayon, paano mo maikukumpara sa dati e hindi naman ito higaan ng mga rosas? Iyan ang madalas kong marinig kapag ang pinag-uusapan ay tungkol sa hirap ng kabuhayan. Kung sabagay, ito’y lubha namang totoo. Tulad na lang ng isang banana cue na dati-dati’y nagkakahalaga lamang ng limang sentimo, ngayon ang humihigit pa dito. Ang isang sakayan sa dyip na dati ay labinlimang sentimo, ngayon ay umaabot na yata sa limang piso. Ang renta sa isang bahay na dati ay animnapung piso lamang, ngayon ay ilang libo o milyong piso na. Ang matrikula sa kolehiyo na dati ay ilang daang piso lamang, at ang marami pang iba na dati ay libre-libre lamang, ngayon ay magkano na? Marahil ang mga ito’y nagkakahalaga pa ng higit sa doble ng dati. Samakatuwid, napakalaki talaga ng pagbabago sa panahon ngayon. Kung pagmamasdan, ang presyo ng mga gamit ay patuloy na tumataas habang ang kita naman natin ay nananatiling parehas o di kaya’y bumababa. Ang lahat ng bagay ay hindi na tulad ng dati, sapagkat ang lahat ay may halaga. Walang libre, lahat ay may bayad. Bagsak din ang negosyo. Ang resulta, maraming mga tao, lalong-lalo na ang mga kaawa-awang bata, ang paliguy-ligoy sa daan, nanlilimos dahil walang makain at matirahan. Dahil dito, maraming masamang nangyayari. Laganap ang krimen, nakakatakot ang kapaligiran.

Tunay ngang natitira ang malalakas at naiiwan ang mga maihina. Kaya pala sa bawat kutsara ng kanin na ating isinusubo sa ating mga bibig ay sinasabi ng ating mga nanay na huwag mag-aksaya. Ang hirap ng panahon ngayon, isipin na lang ang ibang tao na walang makain, maswerte na tayo.

Bakit nga ba ganito? Sino nga ba ang dapat sisihin? Nung isang araw, pilit kong hinanap ang sagot sa mga tanong na ito. Tiningnan ko ang kapaligiran, pinagmasdan ang mga pinaggagawa ng tao at hayop, pati na ang mga tahimik na lupa at mga inosenteng tubig. Sinu-sino lang ba ang maaaring kumilos? Ang tao at ang hayop. Ngunit ang tao lamang ang may tamang pag-iisip. Kaya sa aking paghahanap, nalaman ko na iyon ay dahil sa hindi tayong mga tao handang tumulong. Hindi lamang ang gobyerno, ang iba sa atin (kung hindi ang lahat) ay iniisip lamang ang ating mga sarili. Walang pagkakaisa na nakikita kaya walang tagumpay na nakakamtan. Walang ibang pwedeng sisihin kundi ang ating mga sarili.

Paano nga ba ako makatutulong? Minsan kong itinanong ito sa aking sarili. Tulad ng iba, gusto ko ring makatulong kahit papaano. Gusto kong magkaroon ng magandang kinabukasan hindi lamang ang aking sarili, pati na rin ang lahat. Ngunit papaano? Siguro, dahil sa isa akong mag-aaral, ang isa sa mga magagawa ko ay ang pag-aaral ng mabuti. Ang sabi nga ni Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tayo ang susi sa kinabukasan. Kaya magsisikap ako, mag-aantay, at hindi mawawalan ng pag-asa. Sa pamamagitan pag-aaral ng mabuti, marami akong matututunan at mas magiging handa akong harapin ang lahat sapagkat alam kong may kinabukasan na nasa harap ko at may pag-asa. At kapag nakapagtapos na ako ng pag-aaral, maghahanap ako ng maayos na trabaho at magbibigay ng serbisyo para sa ating bayan.

No comments: